Ni Abigail Daño

Saktong isang linggo makaraang ipatupad ang nationwide smoking ban sa bansa, ilan kaya sa mga nagyoyosi ang nagpaplano o nakapagdesisyon nang hintuan ang kanilang bisyo?

1 copy

Sinimulan nitong Linggo, Hulyo 23, ang pagpapatupad ng Department of Health (DoH) sa Executive Order No. 26, o nationwide smoking ban, ni Pangulong Rodrigo Duterte para panatilihing “smoke-free” ang mga pampubliko at pribadong establisyemento sa buong bansa.

Human-Interest

'Bahay Pangulo' sumailalim sa renovation; personal touch ni FL Liza

Kasabay nito, inilunsad ng DoH ang Quit Line na layuning gabayan at suportahan ang mga Pilipino na nais nang huminto sa paninigarilyo gamit ang kanilang telepono at mobile phones.

Kaugnay nito, nasa average na 20 katao ang tumatawag kada araw sa Quit Line. Isa na rito si Rodel Sabelo, 31, na 12 taon nang naninigarilyo at desidido na ngayong ihinto ang bisyo matapos ang pagpapatupad sa ban.

“Una, tipid dahil nagmahal ang bisyo dahil sa sin tax bill. Pangalawa, sa health. Siyempre gusto kong mabuhay [nang matagal] para sa magiging pamilya ko at anak ko,” sinabi ni Sabelo tungkol sa naging dahilan ng pagtigil niya sa paninigarilyo.

Maraming epekto sa ating kalusugan at araw-araw na buhay ang paninigarilyo.

“Sa sobrang tagal ko nang naninigarilyo, unti-unti ko nang nararamdaman ‘yong masasamang naidulot sa akin, lalo na sa katawan ko. Madali na akong magkasakit and I can’t barely even catch my breath. Nagkaroon na rin ako ng phlegm at I just realized na I’m addicted na pala sa paninigarilyo,” sabi naman ni Niikaie Carla Porol, 25, na 11 taon nang naninigarilyo bago nagdesisyong huminto.

“It’s never too late na huminto sa paninigarilyo. It’s up to them if gagawin nila or magsisisi na lang sila in the end,” dagdag ni Porol.

Huminto na rin si Rico Pasaporte, 23, na anim na taon nang naninigarilyo. “Sa pagkain na lang ng candy at araw-araw na pagdyi-gym [ko ibinabaling ang pansin]. Isang magandang naidulot sa akin ng batas na ito ay naiipon ko na ‘yung mga barya na kung ibibili ko ng sigarilyo ay mas magandang naiitabi at naibibili ng pagkain.”

Para sa mga nais na ring hintuan ang pagyoyosi, tumawag sa sa Hotline 165364 o magpadala ng mensaheng ‘STOPSMOKE’ sa 29290-165-364 para sa mga gustong magabayan sa paghinto sa nasabing bisyo. Ito ay available sa Smart, Sun Cellular, at Globe. Maaari namang i-report ang mga lumalabag sa smoking ban sa DoH Hotline: (02) 711-1002.