Ni: Mary Ann Santiago
Patay ang isang empleyado ng water and wastewater services provider nang malunod sa imburnal sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Apat na vacuum trucks ang ginamit ng awtoridad upang maiahon sa imburnal si Jobani Luzon, 30, project employee ng Maynilad at residente ng 1227 Block 12, Gumaoc West, San Jose del Monte, Bulacan.
Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang aksidente sa Antonio Rivera Street, kanto ng Claro M. Recto Avenue, dakong 1:10 ng madaling araw.
Una rito, gamit ang isang driving apparatus, lumusong sa imburnal si Luzon upang alisin ang mga basurang bumara at maiwasan ang pagbaha sa tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan.
Makalipas ang ilang minuto, nagtaka si Mark Joseph Castro, 22, katrabaho ng biktima, nang hindi tumugon si Luzon nang hilahin niya ang lubid na nakatali sa katawan nito, na paraan ng kanilang komunikasyon.
Dahil dito, nagpasya na si Castro na hilahin ang lubid ngunit sa halip na ang biktima, isang sako na puno ng basura ang nakatali sa lubid.
Posible umanong may kinuhang basura ang biktima kaya inalis nito ang lubid sa katawan at itinali pansamantala ang sako ng basura hanggang sa tuluyang nalunod.
Isinugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Luzon ngunit patay na ito.