Ni Edwin Rollon

POC General Assembly, makikiusap sa Malacanang para sa SEAG hosting.

HINDI pa isusuko ng Philippine Olympic Committee (POC) ang hosting ng bansa sa 2019 Southeast Asian Games.

Nakatakdang pagtibayin ng POC General Assembly ang apela sa Pangulong Duterte upang bigyan nang pangalawang konsiderasyon ang hosting ng biennial meet.

Putol na ang sumpa! UST tinapos na ang 9 taon losing streak sa Ateneo

Huling nag-host ang bansa sa SEAG noong 2005 kung saan nakamit ng bansa ang unang overall championship tangan ang 113 ginto, 84 silver at 94 bronze medal.

“Kailangan namin ang consensus ng lahat ng opisyal. But, the focus of the GA is to convince the President to reconsider his decision. Aapela kami,” sambit ni POC secretary general Steve Hontiveros.

Kamakailan, ipinahayag ng Philippine Sports Commission (PSC) sa opisyal na sulat ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez kay POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco ang pagbawi ng pamahalaan sa suporta sa hosting ng biennial meet sa 2019.

Ayon sa PSC, nakasentro ang resources at atensiyon ng pamahalaan sa rehabilitasyon ng Marawi City sa Mindanao na lubhang napinsala sa digmaan nang sakupin ng teroristang Maute.

Matatandaang noong 2015 hosting, tinatayang gumastos ang bansa ng P606 milyon sa pagsasaayos ng mga venue sa Manila at satellite venue sa Bacolod at Cebu.

“We need to focus on Marawi City rehabilitation, siguro sa susunod na lang uli natin pag-aralan yung hosting ng SEA Games,” pahayag ni Ramirez.

Ngunit, ayon sa ilang opisyal na may direktang kinalaman sa naunang pagbalangkas sa hosting, umatras ang pamahalaan bunsod nang isyu sa korapsyon sa nakalipas na hosting.

Kasalukuyang inirekomeda ng Ombudsman ang pagsampa ng kaso kay dating Bacolod City Mayor at Philsoc member Monico Puentevella bunsod ng hindi na-liquidate na at P36 milyon budget ng SEA Games.

Kwestyunable rin ang ilang gastusin at iniutos ng Commission on Audit (COA) kay Cojuangco ang pagsauli sa mahigit P30 milyon na nabigong ma-liquidate ng Philsoc sa pamahalaan.

“Actually, kaya pa rin naman ng pamahalaan. Kaso lang nagdalawang-isip ang ilang malapit sa Pangulo hingil sa mga kasong nakabinbin na may koneksyon sa naganap na hosting noong 2005. Medyo bad shot,” sambit ng source na tumangging pangalanan.

Sinabi naman ni Tom Carrasco ng triathlon, POC chairman, na naisumite na nila sa COA ang kinakailangang dokumento hingil sa naturang ‘unliquidated expenses’ at mangilan-gilan na lamang ang hindi na makitaan ng mga resibo at contract,” sambit ni Carrasco.

Ayon kay Hontiveros, umaasa pa rin ang POC na magbabago ang desisyon ng Pangulong Duterte sakaling matanggap ang kanilang apela.

Sa kasalukuyan, nagpahayag ng kahandaan ang Indonesia at Thailand na kunin ang hosting ng SEAG sa 2019.