Ni: Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon
Isang Quezon City cop na naka-absent without leave (AWOL) at tatlo nitong kasama ang inaresto sa entrapment operation, nitong Biyernes ng gabi.
Hinuli si Police Officer 2 Joselito Piñon, 35, ng kanyang mga kabaro sa Aramismis Street sa Barangay Veterans Village, dakong 9:30 ng gabi kamakalawa.
Inaresto rin sina Pablito Asorez, 38; Michael San Agustin, 38; at Alvin Apolinar, 36.
Sa press briefing kahapon, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Eleazar na nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng QCPD Station 2 laban kay Piñon nang makumpirma ang ilegal nitong aktibidad.
Ayon kay Eleazar, aabot sa 10 pakete ng umano’y shabu ang nakuha kay Piñon at kanyang mga kasama.
Si Piñon, na dating nakatalaga sa QCPD Station 4, ay sinibak sa puwesto noong Pebrero ng nakaraang taon nang siya ay mag-AWOL.
Sinabi ni Eleazar na hindi ito nag-report sa kanyang trabaho simula noong 2015 ang nahaharap sa limang administrative charges.
Ayon naman kay Station 2 commander Igmedio Bernaldez, matagal na nilang mino-monitor ang ilegal na aktibidad ni Piñon. Kilala sa alyas na “Tata Nonoy,” nagbebenta ng ilegal na droga ang Caloocan City-resident sa Veterans Village at iba pang kalapit na barangay, sinabi ni Bernaldez.
Si Piñon din ang itinuturong supplier ng ilegal na droga ng mga inarestong drug suspect, dagdag ng station chief.
Sa operasyon, iniulat na binentahan ni Piñon ng P500 halaga ng shabu ang poseur-buyer. Matapos nito ay sinabihan niya ang buyer na hintayin ang kanyang mga kaibigan na umano’y may mga dalang “good stuff.”
Makalipas ang ilang minuto ay dumating sina Asorez, San Agustin at Apolinar na lulan sa kani-kanilang motorsiklo at binentahan ang poseur-buyer ng karagdagang P500 halaga ng shabu.
Sinabi ni Eleazar na nakatakda nilang sampahan ng drug charges ang mga suspek, at isa pang kasong administratibo laban kay Piñon, na ikukulong sa Camp Karingal.
Samantala, inaresto rin ng Station 2 anti-drug operatives ang isang driver at isang dispatcher ng colorum na UV Express sa panulukan ng Mindanao Avenue at North Avenue, dakong 1:30 ng madaling araw kahapon.
Naiulat na binebentahan nina Joselito Gimena, 41, at Abner Perartilla, 40, ng ilegal na droga ang mga driver ng UV Express sa iba’t ibang terminal.
Nakuha sa kanila ang tatlong pakete ng umano’y shabu at P500 buy-bust money.