Ni Marivic Awitan

ASAHAN ang maigting at matinding hatawan sa pagitan ng Pocari Sweat at Creamline sa tampok na laro sa quadruple bill ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference elimination ngayon sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Itataya kapwa ng Lady Warriors at Cool Smashers ang malinis nilang markang 3-0 sa duwelo na nakatakda sa 4:00 ng hapon.

Matinding tapatan ang inaantabayanan sa pagitan nina league four-time MVP Alyssa Valdez na siyang namumuno sa liga sa scoring, at Myla Pablo, two-time Finals MVP at siya namang nagmamando sa spiking.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

“It is going to be a tough match because we’re playing Valdez and a team that is also stacked with veteran players,” ani Pocari coach Rico de Guzman, patungkol sa battle-tested backup crew ng Creamline na kinabibilangan din nina dating Ateneo star playmaker Jia Morado, Rosemary Vargas, Lisa Mandapat, Pau Soriano at Ivy Remulla.

Inaasahan ding pupukpok ng husto si Valdez sa kanyang huling laro sa Creamline bago tuluyang magpokus sa national team para sa training nila sa Japan bilang paghahanda sa SEA Games.

Inaasahan namang susuporta kay Pablo sina Jeanette Panaga, Elaine Kasilag, Gyselle Sy, Siemens Dadang at Melissa Gohing.

Sa isa pang laban, target ng Perlas-BanKo ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa nila sa nangangapang Power Smashers ganap na 6:30 ng gabi.