Ni: Dave M. Veridiano, E.E.

SA maniwala kayo at sa hindi, ang mga paraan noon ng pulis sa pag-iimbestiga sa malalaking krimen ay parang ‘yung mga napapanood natin sa mga blockbuster na pelikula. Ito ang dahilan kaya palagi akong tutok o nakabuntot sa mga kakilala kong batikang imbestigador noong ako ay roving police reporter pa lang – para kasi akong nanonood o nagbabasa ng mga suspense thriller nang libre.

Mga krimeng nalutas dahil sa tinatawag na ‘Scientific Method of Investigation’ o SMI na ‘di na yata kilala ng mga baguhang imbestigador na pulis. Halos lahat ng nasubaybayan kong imbestigasyon noon ay nalutas sa pamamagitan ng SMI na pangkaraniwan lang na ginagawa ng mga pulis noon.

Gaya halimbawa ng mga krimeng nalutas dahil sa mga nakitang: bakas ng sapatos ng suspek sa crime scene; stretch mark ng gulong ng sasakyan sa lugar; bahid ng dugo sa itinapong seatbelt ng sasakyang pag-aari ng suspek na hinihilamusan sa talyer; napulot na kumikislap na bracelet ng relos na limang metro ang layo mula sa bangkay sa isang bakanteng lote; pagtunton kung kaninong baril nanggaling ang balang aksidenteng pumatay sa isang opisyal ng militar na na-hostage ng mga coup plotter; pagkuha ng tamang testigo sa grupo ng mga tanod na tumatangging may alam sa krimeng naganap sa pamamagitan lang ng pananalita at “body language” nito; pagtunton sa bangkay ng mag-inang Hapones na biktima ng murder for insurance; pagkakahukay at pagkilala sa mga bungo at buto ng dalawang Hapones na pinatay ng isang sindikato at inilibing sa isang natuyong palaisdaan sa Bulacan; pag-neutralize sa mahigit 20 grupo ng mga magnanakaw sa bangko at armored van na walang gatol kung pumatay, gamit ang noo’y makabagong kaalamang pang “technical” at marami pang ibang operasyon at pag-iimbestigang nagkahon sa mga mailap na kriminal, na hindi iniasa sa mga “walk-in informant” at closed circuit television (CCTV) footage na ‘di pa uso noon.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

‘Di gaya ng karamihan sa mga imbestigador ngayon, na sa umpisa pa lamang nang pagputok sa krimen, sa kanilang pagresponde ay napakasakit na sa matang tingnan. Mantakin ninyo naman, sa halip na sa crime scene dumiretso lalo pa at may napatay sa krimen ay dadaan muna sa paborito nilang punerarya – hindi para makisabay lang at makatipid sa gasolina kundi upang masigurong makukuha agad ang komisyon sa bangkay na madadala nila sa pagbalik.

May maglalagay pa ng “yellow line” sa crime scene ngunit kung pagmamasdang mabuti ang kilos ng mga imbestigador, hanggang sa tabi lamang ng bangkay ang binubusisi nila at kapag nakarating sa lugar ang kanilang opisyal at matapos “makipagkodakan” sa mamamahayag, mabilis na dadalhin ang mga bangkay sa morgue – sabay kolekta sa komisyon. Oh ‘di ba, ang galing-galing nila?!

May ilang imbestigador na hahagilapin agad ang mga CCTV sa lugar at panonoorin ang video, kasama ang ilang paborito nilang television reporter. Ang siste rito, kapag madilim at ‘di makilala ang mga suspek sa nakuhang CCTV footage, parang doon na agad nagtatapos ang imbestigasyon…Malabo, eh kaya wala nang ibang effort!

Sa dami ng napanood nating CCTV video ng malalaking krimen, dito na lamang halimbawa sa Metro Manila, ilan na ba ang nabalitang nakatulong ito sa paglutas ng krimen? Sa aking palagay, mas marami ang tinatawag na naka-archive na lang o nabaon na sa limot na muli lamang mabubuhay kung biglang may susulpot na “walk-in informant” at ituturo o papangalanan ang pangunahing suspek sa krimen.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]