Ni: Ariel Fernandez
Pinigilan kahapon ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang walong pasahero na may apelyidong Maute.
Ayon kay BI Airport Operations Chief Marc Red Marinas, kinilala ang mga pasahero na sina Abdulrahman Maute, Al Nizar Maute, Abdulchahar Maute, Yasser Maute, Ashary Maute, at mga kaanak na sina Cota Mawiyag at Acmali Mawiyag na pawang patungong Malaysia at sasakay sa Cebu Pacific flight 5-J449.
Patungo naman si Aziz Maute sa Riyadh via PAL flight PR-654 bandang tanghali.
Inimbestigahan ng BI at Intelligence Service ng AFP si Aziz Maute at natuklasan na isa siyang regular na overseas contract worker sa Riyadh bilang cleaner, at napag-alaman na wala siyang kaugnayan sa teroristang Maute Group.
Samantala, ang magkakapatid na Maute at mga kamag-anak na patungong Malaysia ay patuloy na iniimbestigahan.