Sinagot ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag ang mga paratang tungkol sa “fake news” na umano’y pagmamay-ari nilang mansiyon sa California, USA.
Sa naging pahayag ni Matibag sa isinagawang press conference ng NBI nitong Martes, Hulyo 28, 2026, nilinaw niyang nagkataon daw na “Melvin Matibag” ang pangalan din ng owner ng naturang mansyon sa abroad.
Aniya pa, “Bejosano” ang panggitna ng nabanggit na owner ng mansyon na may asawang nagngangalang “Anna Marie Laman,” samantalang “Alvarez” daw ang kaniyang panggitna at “Maria Rene Ann Matibag” ang pangalan ng kaniyang misis.
“Ang nangyari, ang pangalan na ginamit doon sa mansyon, ‘Melvin Matibag.’ Kung sana nag-research man lang sana bago nilabas noong news company,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “It so happen na ang pangalan talaga ng may-ari, Melvin Matibag. But his name is Melvin Bejosano Matibag who is married to Anna Marie Laman.”
Ani Matibag, dahil daw rito, inilabas ng political content creator na si Sass Sasot ang naturang impormasyon mula sa pinublish ng isang news network, hanggang nagamit na raw ito ng iba pang mga online content creator.
Giit naman niya, itinama naman na raw nang ilang beses ng hindi niya pinangalanang news network ang impormasyon na nadadawit sa pangalan niya, ngunit hindi pa raw iyon sapat.
“Can you imagine, kung merong mga salbahe doon at akala sa amin ‘yong property na ‘yun. Puntahan ‘yong bahay, salbahihin ‘yon, i-vandalize, kawawa rin ‘yong tao na ‘yon,” ‘ika niya.
Diin ni Matibag, pinabubulaanan niya ang mga alegasyong may mansyon o ari-arian siya sa California, at maaari daw makita ng publiko ang listahan ng lahat ng kaniyang properties sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
“Sa akin diyan, the reason for that news, is to impeach my credibility as a witness. Which is totally unrelated sa aking testimonya,” tirada niya.
Pagpapatuloy niya, hindi pa nga umano sila magkakilala ng misis niya noong 2004 kung saan nakalagay daw naging pagmamay-ari ng kapangalan niya ang nasabing mansyon.
“Ang nagsabi doon sa news, doon sa fake news na nilalabas, it was acquired by this Melvin Matibag in Ana Marie Laman. When? 2004. Mali na kaagad, e. Hindi pa nga kami magkakilala ng asawa ko noong 2004,” saad niya.
“Minsan ‘yong makikitid ang utak, I don’t want to brand what group is that, sasabihin na kaagad palusot lang ‘yan. But if you check the record, it will bear you out,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Ann Matibag, inlab na naman sa mister
KAUGNAY NA BALITA: Kahit tinawag na minion: NBI Dir. Matibag, dedma sa hanash ni Sen. Alan