Ni: Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon
Binaril hanggang mamatay ang isang Bulgarian na nahuli kamakailan sa ATM (automatic teller machine) fraud at kalaunan ay pinalaya, ilang minuto matapos niyang lisanin ang presinto sa Quezon City, nitong Huwebes ng gabi.
Kalalabas lang ni Orlin Grozdanov Stoev, 38, sa Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nang pagbabarilin sa kanto ng Kalayaan Avenue at Kamias Road sa Barangay Pinyahan, dakong 10:20 ng gabi.
Siya ay tinadtad ng bala sa katawan at ulo, ayon sa pulis.
Matatandaang si Stoev ay inaresto ng mga tauhan ng QCPD noong Hunyo 14 nang alertuhin ng security guard sa bangko ang mga pulis sa pagtatangka niyang mag-withdraw ng pera sa iba’t ibang ATMs sa Bgy. Tatalon. Nakuha sa kanya ang 24 na ATM card, 15 sa mga ito ay kinopya sa pamamagitan ng skimming device.
Siya ay pinalaya noong Hunyo 23 nang maglagak ng piyansa na P20,000 para sa paglabag sa RA 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998.
Ayon kay Supt. Rodel Marcelo, QCPD-CIDU commander, bago ang pamamaril ay nasa Camp Karingal si Stoev upang kunin ang kanyang motorsiklo na kinumpiska sa kanya ng awtoridad nang siya ay inaresto.
Sa kanilang blotter, dakong 10:06 ng gabi ay nasa CIDU si Stoev at ibinigay ang release order ng korte para sa kanyang motorsiklo.
Habang nasa CIDU, sinabi ni Marcelo sa Balita na nakatanggap ng tawag si Stoev mula sa isang “Cubao Girl.” Sinabi niya na ito ang huling pangalan na nakarehistro sa call log ng cell phone ni Stoev.
Matapos ang pagtawag, umalis siya sakay sa kanyang motorsiklo, posibleng upang kitain ang hindi pa nakikilalang caller, ani Marcelo.
Sa police report, huminto sa traffic light si Stoev, na pinaniniwalaang magtutungo sa Cubao noong oras na iyon, sa intersection ng Kalayaan at Kamias Avenue nang sumulpot sa kanyang likuran ang dalawang lalaki na lulan sa isang dilaw na motorsiklo.
Magkakasunod na putok ng baril ang narinig ng mga motorista, kasabay ng pagbulagta ni Stoev.
Sinabi ng pulis na nakita nilang humarurot ang mga armadong rider matapos pagbabarilin si Stoev.
Idinagdag niya na ikinokonsidera nilang person of interest si “Cubao Girl.”