PATULOY pa rin ang mainit na suporta ng mga manonood sa mga palabas ng ABS-CBN ayon sa resulta ng viewership survey nitong nakaraang Hunyo.
Ayon sa data ng Kantar Media, sampu sa mga pinakatutukang regular na umeereng programa sa telebisyon sa bansa ay mula sa ABS-CBN, kaya nagkamit ang Kapamilya Network ng average national audience share na 46% sa pinagsamang urban at rural homes, kumpara sa GMA na nakakuha naman ng 34%.
Nanguna pa rin ang serye ni Coco Martin na FPJ’s Ang Probinsyano na mayroong average national TV rating na 35.5%.
Pumangalawa sa listahan ang La Luna Sangre na agad na sinubaybayan ng viewers kaya nagtala ng average national TV rating na 34.1% sa unang dalawang linggo pa lamang nito. Bukod sa pagbabalik-telebisyon nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, tinutukan din ang mga batang gumanap sa serye, ang pagganap ni Richard Gutierrez bilang kontrabida, at ang special participation nina Angel Locsin at John Lloyd Cruz.
Sinusubaybayan at pinag-usapan din ang battle rounds ng The Voice Teens na nagtala ng 33.9%. Napukaw naman ng mga kuwento ng inspirasyon ng letter senders ng Maalaala Mo Kaya ang mga manonood kaya nagkamit ng 33.3%.
Nanatiling pinakapinanood na news program sa bansa ang TV Patrol na may average national TV rating na 30.3%, higit na mataas kumpara sa katapat nitong 24 Oras (20.2%).
Napuno naman ng aral at pag-ibig ang bawat Linggo ng gabi ng mga kabataan sa Wansapanataym, na nakakuha ng 29.5%.
Sumunod dito ang My Dear Heart (27.5%), na nagpakita ng sakripisyo at walang katumbas na pagmamahal nang magtapos.
Patuloy ding pinag-uusapan ng viewers at netizens ang mga palabang eksena sa Wildflower na nakakuha ng 23.1%.
Kasama rin sa top ten ang sitcom nina John Lloyd Cruz at Toni Gonzaga na Home Sweetie Home (21%), ang Goin’ Bulilit (20.5%), at ang current affairs program ni Korina Sanchez na Rated K (20.5%).
Naghari sa lahat ng time blocks nitong Hunyo ang ABS-CBN, partikular na sa primetime (6PM-12MN) na nagkamit ng 50% average audience share, at tinalo ang GMA na mayroon lamang 32%.
Nanguna rin sa iba pang time blocks noong Hunyo ang Kapamilya Network, sa morning block (6AM-12NN) na nagtala ng average audience share na 43% laban sa 31% ng GMA; sa noontime block (12NN-3PM) na nagkamit ng 43% kumpara sa 39% ng GMA; at afternoon block (3PM-6PM) na pagtala naman ng 44% at tinalo ang GMA na may 38% lamang.
Napanatili rin ng ABS-CBN ang pangunguna sa iba pang lugar sa bansa gaya ng Total Balance Luzon sa naitalang average audience share na 47% kumpara sa 37% ng GMA, sa Total Luzon sa pagkamit nito ng 42% laban sa 37% ng GMA, sa Total Visayas kung saan nagtala ito ng 55% laban sa 28% ng GMA, at Total Mindanao kung saan nakakuha ito 55% kumpara sa 29% ng GMA.