Ni: Orly L. Barcala
Kalunus-lunos ang pagkamatay ng isang matandang babae matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem, habang nagpapahangin sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Navotas City Hospital si Loida Buntan, 62, ng Pascual Street, Barangay San Roque ng nasabing lungsod, dahil sa mga tama ng bala ng caliber .45 sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong 9:00 ng gabi nangyari ang pamamaril sa garahe ng biktima.
Nakaupo si Buntan nang dumating ang dalawang lalaki na sakay sa motorsiklo at bumaba ang angkas at pinaulanan ng bala ang biktima.
Kahit sugatan, nagawa pa ni Buntan na makapasok sa kanyang bahay habang hinabol naman ng kanyang mister ang mga suspek ngunit nakatakas.