Nadakip nitong Lunes ang lalaking nakapatay sa sarili niyang nobya matapos siyang matunton sa isang warehouse sa Barangay Aurora sa Alicia, Isabela.

Arestado si Erick Sampaga, alyas “Itting”, 20, ng Bgy. Aurora, sa pamumugot sa ulo ng kanyang nobyang si Mary Ann Colobong, 20 , ng Bgy. Linglingay, Alicia. Sinasabing kapwa may diperensiya umano sa pag-iisip ang dalawa.

Sa panayam ng Balita kahapon kay PO2 Inocencio Dela Cruz, nadakip si Dela Cruz sa warehouse sa nabanggit na barangay isang araw matapos umanong isagawa ang krimen.

Ayon sa report, dakong 4:00 ng hapon nitong Linggo nang magtalo ang magka-live-in na nauwi sa pamumugot ng suspek sa biktima.

Probinsya

Dating barangay captain sa Catanduanes, dinukot at pinagnakawan ng kalalakihan

Nakita ang pugot na ulo ni Colobong sa sementeryo kung saan madalas umanong namamahinga ang dalawa, habang ang katawan naman nito ay natagpuan may 20 metro ang layo sa ulo nito.

Aminado si Sampaga na pinatay niya ang kinakasama dahil sa pangungulit nito tungkol sa pagbubuntis.

Aniya, madalas siyang kulitin ni Colobong dahil nais nitong magbuntis, ngunit wala pa rin silang anak hanggang ngayon.

Sa inis umano ni Sampaga sa kakulitan ng nobya at tinaga niya ito sa leeg.

Kasalukuyang nakadetine ngayon ang suspek sa Cauayan City, Isabela at kakasuhan ng murder. (Liezle Basa Iñigo)