DOHA, DUBAI (AFP, Reuters) – Pinangalanan ng apat na bansang Arab na nagputol ng relasyon sa Qatar nitong linggo ang ilang personalidad at organisasyon na diumano’y koneksiyon ng Qatar sa mga terorista, na lalong nagpalala sa gulo sa rehiyon.
Sinabi ng Saudi Arabia, United Arab Emirates (UAE), Egypt at Bahrain sa isang pahayag na inilathala ng Saudi news agency na 59 katao, kabilang si Muslim Brotherhood spiritual leader Yousef al-Qaradawi, at 12 organisasyon, kabilang na ang Qatari-funded charities na Qatar Charity at Eid Charity, ang pinangalanan.
May 18 Qatari ang diumano’y financier ng terorismo kabilang ang mga prominenteng negosyante, politiko, matataas na miyembro ng ruling family kasama ang isang dating interior minister.
Isa si Abdel Hakim Belhadj, dating Libyan Islamist commander, sa limang Libyan sa listahan, habang kasama si Qaradawi at ang Salafi preacher na si Wagdi Ghoneim sa 26 Egyptian.
Nasa listahan din ang mga grupo ng militanteng Shi’ite sa Bahrain na itinuturing ng ilang gobyernong Gulf Arab na konektado sa Iran kabilang sina Saraya Ashtar, Saraya Mukhtar, at ang February 14 movement.
Pinangalanan din sa listahan ang tatlong Kuwaiti, dalawang Jordanian, dalawang Bahraini, isang Emirati, isang Saudi at isang Yemeni.
Samantala, sinabi ng Qatar nitong Huwebes na hindi ito susuko at ibinasura ang anumang pangingialam sa foreign policy nito.
Sa isang panayam, sinabi ni Sheikh Mohammed bin Abdulrahman Al-Thani, ang emir ng Qatar, na hindi katanggap-tanggap ang mga panawagan ng pagbabago sa Qatari policy mula sa Saudi Arabia at mga kaalyado nito.
“No one has the right to intervene in our foreign policy,” sabi ni Sheikh Mohammed.
Tinanggihan din niya ang “a military solution as an option” para maresolba ang krisis, at sinabing kayang mabuhay ng Qatar “forever” sa kabila ng mga ginawang hakbang laban dito.
“We are not ready to surrender, and will never be ready to surrender the independence of our foreign policy,” aniya, idinagdag na: “No one will break us.”