Nasawi ang tatlong katao makaraang bumaliktad ang Isuzu truck na maghahatid ng bagoong sa Barangay Villarose sa bayan ng Bagabag, Nueva Vizcaya, kahapon.
Ayon sa report ng Bagabag Municipal Police, nakilala ang mga biktimang sina Rod Malunes, 30; Rosemarie Rosario, 22; at Rizaldy Brioso, 16, pawang taga-Bugallon, Pangasinan.
Natukoy sa imbestigasyon ni Chief Insp. Jennifer Flores, hepe ng Bagabag Police, na nawalan ng preno ang truck sa pakurbadang kalsada sa Barangay Villarose sa Bagabag.
Bumaligtad ang forward truck at naipit ang mga biktima, habang nakaligtas naman ang lima pang pasahero, at aabot sa P200,000 halaga ng bagoong ang nasayang. (Fer Taboy)