Bangkay na nang madiskubre ang isang machine operator sa isang bahay sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni PO3 Laude Pillejera, ng Station Investigation Unit (SIU), ang biktima na si Robert Casaljay, 42, ng No. 3072 J.B. Juan Street, Barangay Ugong ng nasabing lungsod.
Ayon kay Mario Francisco, kasamahan ng biktima, bandang 7:15 ng umaga, napansin niyang nakahiga si Casaljay sa Building Unit 304, Amva Compound, Sitio Lamesa, Bgy. Ugong.
“Nilapitan ko para gisingin kasi tanghali na. Nagulat ako dahil parang hindi na humihinga tapos nung pulsuhan ko, wala na parang patay na, eh,” ani Francisco.
Ayon kay Police Sr. Inspector Maria Leonora Soriano, ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), walang sugat o palatandaan na pinatay si Casaljay at posibleng inatake ito sa puso.
Inamin din ni Lanny Frias, live-in partner ng biktima, kay PO3 Pillejera na may hypertension ang kinakasama at huminto na ito sa pag-inom ng gamot.
Napag-alaman din na bago namatay ang biktima, nagkasagutan ang mag-live in partner dahil sa pag-uwi ng lasing ng una.
“Umalis daw ng bahay ‘yung lalaki kasi parang masama ang loob sa kinakasama at sa iba natulog. Malamang na nakasama ‘yung pag-inom nito ng alak at napagod sa pag-akyat panaog sa 3rd floor,” pagtatapos ni PO3 Pillejera.
(Orly L. Barcala)