LUMBAN, Laguna – Malubhang nasugatan ang isang drug dealer makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa kasagsagan ng drug bust operation, habang naaresto naman ang kasamahan niya nitong Biyernes ng hapon sa Barangay Bagong Silang sa Lumban, Laguna.
Kinilala ng pulisya ang nasugatang suspek na si Jerome Gaza, 35, taga-Tabia Street, Bgy. Segunda Parang, habang naaresto naman si Danbert Ladiana, 18, taga-Bgy. Maracta sa Lumban.
Ayon kay Laguna Police Provincial Office director Senior Supt. Cecilio R. Ison, Jr., bandang 3:00 ng hapon nang isagawa ng mga tauhan ng Lumban Police ang buy-bust hanggang sa makahalata si Gaza at magtatakbo patungong Balubad Bridge.
Nakipagbarilan umano si Gaza sa mga pulis ngunit tinamaan ng bala sa ulo at isinugod sa Laguna Medical Center, habang inaresto naman si Ladiana.
Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang P500 marked money, dalawang maliliit na plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang .22 caliber Smith & Wesson na may anim na bala, wallet na may iba’t ibang ID, at ang Yamaha motorcycle (DA-74323) ni Gaza. (Danny J. Estacio)