TACURONG CITY, Sultan Kudarat - Nauwi sa patayan ang naging sagutan ng isang magkaibigan dahil lamang sa hindi pagpapahiram ng motorsiklo ng isa sa kanila sa Purok Mauswagon sa Barangay New Lagao, Tacurong City, Sultan Kudarat, dakong 2:30 ng hapon nitong Biyernes.
Kaagad na nasawi makaraang magtamo ng isang saksak sa kilikili si Elorde Tupaz y Castor, 42, binata, ng Bgy. New Lagao, habang pinaghahanap pa si Argie Castillo y dela Cruz, 32, binata, kalugar ng biktima.
Ayon sa pagsisiyasat ni PO2 Gerard Martin San Pedro, nagtalo ang magkaibigan dahil lamang sa hindi pagpapahiram ni Tupaz ng kanyang motorsiklo sa suspek dahil wala umano itong rehistro, hanggang sa saksakin na ni Castillo ang kaibigan. (Leo P.Diaz)