Tila wala pa ring kadala-dala ang mga drug suspect sa kabila ng mahigpit na kampanya kontra ilegal na droga.

Isa na naman umanong tulak ng ilegal na droga ang inaresto ng Makati City Police sa buy-bust operation sa lungsod nitong Miyerkules.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek na si Rosalinda Sulit y Dagum, alyas Nicole, 28, ng No. 480 Samar Street, Barangay Pitogo, Makati City.

Sa ulat ni SPO2 San Jose, may hawak ng kaso, bandang 3:45 ng hapon ikinasa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang operasyon laban kay Sulit sa Kalayaan Avenue, Bgy. Guadalupe Viejo.

Eleksyon

Teddy Casiño, nakasama sina Heidi Mendoza, Luke Espiritu: ‘Maybe next time’

Isang pulis ang nagpanggap na buyer ng P3,000 halaga ng shabu at hindi nakapalag ang suspek nang mahuli siya sa aktong inaabot ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu.

Nakumpiska sa suspek ang 16 pang pakete ng umano’y shabu, P3,000 buy-bust money at P2,000 cash na pinaniniwalaang kita sa pagbebenta ng droga.

Nakatakdang sampahan si Sulit ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

(Bella Gamotea)