Nanindigan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na kontrolado nito ang sitwasyong pangseguridad sa Metro Manila kahit pa nasa rehiyon ang ilang kaanak ng teroristang Maute Group.

Tiniyak ni NCRPO Director Oscar Albayalde sa publiko na “safe” ang Metro Manila at walang dapat ikabahala ang publiko, lalo na dahil ang sinasabing mga kaanak ng Maute ay hindi nagmula sa Marawi City.

Mahigpit na mino-monitor ng NCRPO ang galaw ng mga kaanak ng Maute sa Metro Manila kahit na “law-abiding citizens” ang mga ito at hindi naman maituturing na banta sa seguridad sa NCR.

Tiniyak din ni Albayalde na walang direktang banta sa Metro Manila ang mga teroristang grupo, tulad ng Maute, Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), bagamat nananatiling naka-full alert ang pulisya.

Eleksyon

Sen. Imee, okay lang kahit di binanggit ni PBBM sa campaign rally; tutok kay FPRRD

Aabot sa 165 checkpoint ang inilatag ng NCRPO sa buong Metro Manila at pinaigting din ang pagpapatrulya.

Bukod dito, sinabi ni Albayalde na aktibo rin ang intelligence gathering ng NCRPO at malapit ang koordinasyon sa mga law enforcement agency, kabilang ang National Intelligence Coordinating Agency.

Kasabay nito, muling nanawagan si Albayalde sa publiko na manatiling alerto at mapagmatyag laban sa mga kahina-hinalang bagay o indibiduwal, at kaagad na i-report sa pulisya ang nalalaman upang kaagad na marespondehan.

(Bella Gamotea)