Tinutulan ni Sen. Risa Hontiveros ang binabalak itulak na nuclear energy program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Matatandaang sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo noong Lunes, Hulyo 27, inapura niya ang mga mambabatas para pag-aralan ang nuclear energy bilang long-term solution para pababain ang presyo ng kuryente at palakasin ang supply nito.
Ngunit sa panayam ng media kay Sen. Risa, “Hindi ako sang-ayon sa pagselebra ni President tungkol diyan. Dahil hanggang ngayon, wala naman tayong indigenous raw materials para sa pag-generate ng nuclear energy.
“Iaangkat pa po natin lahat 'yan na mga radioactive materials. At hanggang ngayon, wala pa po tayong siguradong pamamaraan na i-dispose ng ligtas ang mga radioactive wastes,” dagdag pa niya.
Ayon sa senadora, napakarami pa raw potential at underdevelop na renewable energies na likas sa arkipelago ng Pilipinas.
"Libre po sa atin at ligtas kumpara sa nuclear energy," dugtong pa niya.
Matatandaang minsan sa kasaysayan ay nagtayo ng nuclear power plant sa Bataan Peninsula noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Ngunit ipinagpaliban ang paggamit nito noong 1986 matapos ang nangyaring Chernobyl disaster at pagsiklab ng People Power Revolution na nagpatalsik kay Marcos, Sr. sa pwesto.