PANAWAGAN sa mga kabataan na nagnanais matunghayan ang diskarte at istilo ng laro ni Philippines’s First Woman World Chess Grandmaster WGM Janelle Mae Frayna.
Magsasagawa ng 30-player simultaneous exhibition si Frayna sa programang inorganisa ni Joel Villanueva, sa pakikipagtulungan nina Raymundo Espiritu at David Bayarong.
Host si Olongapo City Mayor Hon. Rolen C. Paulino sa exhibition game na nakatakda ngayon ganap na 10:00 ng umaga sa 2nd Floor FMA Hall ng Olongapo City Hall.
Layunin ng naturang programa na mapataas ang kaalaman ng mga kabataan sa chess, gayundin ang kalidad ng kanilang mga laro. Target din ng organizer na makalikom ng sapat na halaga para magamit ni Frayna sa kanyang paglahok sa European Tour.
Umayuda rin sa programa sina Cong. Jeffrey Khonghun ng Zambales, Ruben De Guzman Chairman ng MOCCI, Harben Panoy at Vice- Mayor Aquilino Cortez at City Councillors ng Olongapo.
Matapos ang exhibition game, magsasagawa rin si WGM Janelle ng chess lecture .