DATING pangulo ng Katipunan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon (KAPPT) si Rez Cortez na ngayon ay isa sa mga nahalal na board members ng actor’s guild na pinamunuan na ni Imelda Papin.
Ayon kay Rez, hindi dapat seryosohin ang mga batikos na natatanggap ngayon ng bagong presidente nila. Para sa isa sa mahuhusay na character actor, may karapatang maging pangulo ng samahan nila si Imelda.
“Qualified naman si Imelda dahil hindi nila alam na marami nang pelikulang nagawa ang isang Imelda Papin. Although mas kilala siya bilang singer, hindi naman ‘yun p’wedeng pumigil sa kanya na tumakbo bilang president ng actor’s guild kasi artista rin naman siya,” paliwanag ni Rez.
Dagdag pa niya, sa halip daw na batikusin si Imelda ng kapwa nila artista ay mas dapat na magtulung-tulong silang lahat para sa lalong ikakaganda ng samahan nila. Tama na raw ang kung anu-anong mga patutsada at matulungan na lang silang lahat.
Puring-puri naman ng mga kasamahan nila ang pagiging agresibo ngayon ng bagong halal na pangulo nila. Kakaupo lang daw kasi ng singer ay may sinisimulan na agad silang proyekto, ang “A Night With The Stars” na gaganapin sa June 3 sa Sky Dome ng SM North Edsa.
Maraming guest performers daw ang nagpahayag ng suporta para sa project nilang ito at may mga nakaplano pa silang medical mission, sportsfest, celebrity shootfest at marami pang iba.
Samantala, naririto ang iba pang mga bagong opisyales ng KAPPT: Amay Bisaya (VP Internal Affairs), Ricardo Cepeda (VP external), Lyn Madrigal (Treasurer), Perry de Guzman (Secretary) board members naman sina Rez, Val Iglesias, Boy Roque, Rey Solo, Gerry Roman, Josie Tagle, Jhap Bahian, Jaime Cuales at Joel Oreta at si Jeffrey Santos naman ang chairman of the board. (JIMI ESCALA)