Nakahanda anumang oras ang Davao City Police Office (DCPO) sa napaulat na planong pagsalakay ng New People’s Army (NPA).

Ito ang sinabi ni Senior Supt. Alexander Tagum makaraang tumanggap ng report sa nasabing pagsalakay ng NPA, alinsunod sa direktiba ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) ilang oras makaraang ideklara ni Pangulong Duterte ang batas militar sa buong Mindanao.

Sinabi ni Senior Insp. Maria Teresita Plaza Gaspan, tagapagsalita ng DCPO, na preparado na ang 11 himpilan ng pulisya sa lungsod laban sa paglusob ng sinumang kaaway.

Kaugnay nito, inalerto rin ni Police Regional Office (PRO)-8 acting Director Chief Supt. Elmer C. Beltejar ang lahat ng himpilan ng pulisya sa Samar laban sa nabanggit na banta ng NPA.

Probinsya

Lasing, ginulpi ng lalaking kinumpronta; patay!

Ayon kay Beltejar, napag-alaman nila ang planong pagsalakay ng mga rebelde sa bayan ng San Jorge sa unang distrito ng Samar kaya naman nakaalerto na ang mga operatiba ng San Jorge Police, katuwang ang Samar Police Provincial Office.

Una nang nagbanta ang NPA sa Samar, sa pamamagitan ng NDF na pinamumunuan ni Fr. Santiago Salas, na darakpin—buhay man o patay—si San Jorge Mayor Joseph Grey na nahatulan umano ng kamatayan ng People's Court ng kilusan dahil umano sa napakaraming pagpatay sa mga kalaban nito sa pulitika.

Nauna nang itinanggi ni Grey ang nasabing mga paratang.

Nakaalerto na rin ang Philippine Army sa nasabing pagsalakay, ayon kay Brig. Gen. Mario Lacurom, ng 803rd Infantry Brigade na nakabase sa Catarman, Northern Samar.

Kasabay nito, pinabulaanan naman ng PRO-8 na plano ng NPA na salakayin ang bayan ng Babatngon sa Leyte.

(Fer Taboy at Nestor Abrematea)