GENERAL SANTOS CITY – Inaresto ng pulisya ang tatlong hindi dokumentadong Indonesian sa bayan ng Glan sa Sarangani nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-12, ang mga Indonesian na sina Janes Mangale, 23; Jeck Laune, 55; at Michael Manahampi, 39, pawang residente ng Talaud sa North Sulawesi, Indonesia.
Sinabi ni Galgo na nabigo ang tatlong dayuhan na magprisinta ng mga legal na dokumento na magpapatunay na legal silang pumasok sa bansa matapos silang maharang sa isang police checkpoint sa Barangay Big Margus sa Glan.
Ayon kay Galgo, inilipat na ng pulisya sa Bureau of Immigration (BI) ang kustodiya sa tatlong Indonesian upang matukoy kung may kaugnayan ang mga ito sa mga lokal na grupong terorista.
Dagdag pa niya, ang pagdakip sa tatlong dayuhan ay bunsod ng pinaigting na alerto at seguridad sa Mindanao, na kasalukuyang nasa ilalim ng batas militar. (Joseph Jubelag)