Dahil ayaw paawat sa pagwawala, sugatan ang isang lalaki makaraang barilin ng rumespondeng pulis sa Parañaque City, nitong Martes ng gabi.
Isang tama ng bala ng .9mm pistol sa kaliwang hita ang tinamo ng suspek na kinilalang si Renato Caballero y Coyagbo, nasa hustong gulang, nakatira sa BF Homes sa nasabing lungsod at patuloy na nagpapagaling sa Ospital ng Parañaque.
Pormal na naghain ng reklamo si PO1 Jeffrey Lucas y Barroga, nasa hustong gulang, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 7 ng Parañaque City Police, laban sa suspek.
Base sa ulat, dakong 7:30 ng gabi nangyari ang insidente sa President Avenue, BF Homes.
Papasok na sa kanyang trabaho si PO1 Lucas nang lapitan at hingan ng tulong ng apat na traffic enforcer dahil sa isang lalaking armado ng batuta at kutsilyo na umano’y nanggugulo sa kanila.
Tinangkang awatin ni PO1 Lucas, kasama ang ilang barangay tanod, si Caballero ngunit sa halip na sumuko ay pumalag at nanlaban pa umano ito dahilan upang bumunot ng baril ang biktima at pinaputukan ang suspek.
Nakuha kay Caballero ang batuta at kutsilyong ginamit sa pag-aamok.
Inaalam pa ang sanhi ng pagwawala ng suspek. (Bella Gamotea)