NAGING agresibo sa laban ngunit kinapos si undefeated Filipino Edward Heno nang ideklarang tabla ang laban kay Seita Ogido ng Japan nitong Sabado sa University of the Ryukyus, Nakagami, Okinawa, Japan.
Halatang lutong Macao ang laban dahil sa tatlong hurado, tablang 114-114 ang iskor ni Japanese judge Yoshikazu Furuta samantalang lamang si Heno kay Filipino judge Lito de los Reyes 116-112 pero tabla ring 114-114 ang iskor ng neutral judge na si Malaysian Mod Farin Bin Abdul Rahman.
Dahil sa mga iskor, idineklarang 12-round majority draw ang laban at nabigo si Heno na maiuwi ang bakanteng OPBF light flyweight title kahit nabugbog sarado sa kabuuan ng sagupaan si Ogido.
Nanatiling walang talo ang tubong Baguio City sa rekord na 10-0-5, samantalang may kartada ang Okinawa boy na si Ogido na 11-2-3.
Umaasa si Heno na magkakaroon ng rematch kay Ogido ngunit hindi na sa Okinawa gagawin ang sagupaan kundi sa ibang lugar sa Japan. (Gilbert Espeña)