Iniimbestigahan na ng Pasay City Police ang pagkamatay ng isang pedicab driver, na minsan na umanong sumuko sa “Oplan Tokhang,” nang madiskubre ang bangkay nito sa sarili nitong bahay sa Pasay, kahapon ng umaga.

May sugat sa ulo at tenga at nakabulagta nang matagpuan si Melchor Celestino y Curilan, 38, ng No. 2976 Interior, Mahogany Street, Barangay 145, Zone 16, Barrio Sto. Niño, Pasay City.

Base sa police report, bandang 9:45 ng umaga nadiskubre ang bangkay ni Celestino ng kanyang half brother, si Ruel Densing, sa sala.

Ayon kay Densing, napadaan siya sa bahay ng kapatid upang kumuha sana ng sabon na panligo, ngunit kinutuban siya nang masama nang mapansing bukas ang pinto kaya pumasok siya at nakitang nakabulagta ang nakababatang kapatid.

National

Mayor Baste, 'di totoong aarestuhin ng 40 pulis sa Davao

Agad umanong humingi ng tulong si Densing sa mga kapitbahay at ipinaalam sa pulisya ang insidente.

Nakuha mula sa biktima ang aluminum foil na may lamang hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Isinailalim na sa awtopsiya ang labi ng biktima upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay. (Bella Gamotea)