Nalagutan ng hininga ang isang pulis-Maynila nang tambangan ng riding-in-tandem sa Paco, Maynila kamakalawa.
Naisugod pa sa Philippine General Hospital (PGH) si PO2 Abdul Jabbar Alonto, 36, nakatalaga sa Manila Police District-District Intelligence Division (MPD-DID), tubong Marawi City, at residente ng 645 Carlos Palanca Street, Quiapo, Maynila, ngunit huli na ang lahat dahil sa mga tama ng bala sa dibdib at kaliwang balikat.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Jeffrey Laus, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 5:40 ng hapon nangyari ang pamamaril sa San Gregorio Street, kanto ng Penafrancia Street, Paco.
Base sa imbestigasyon, sakay si Alonto sa kanyang berdeng Toyota Vios (ZSF-174) at napahinto sa nasabing lugar nang magpula ang traffic light.
Sinamantala ito ng mga suspek at dinikitan ang sasakyan ng walang kamalay-malay na biktima at saka pinaulanan ng bala.
Napatakbo pa ng biktima ang kanyang sasakyan, ngunit muli siyang pinaputukan ng mga suspek dahilan upang mawalan ito ng malay at mabangga ang sasakyan sa isang poste ng kuryente.
Matapos matiyak na malubha na ang biktima, mabilis na tumakas ang mga armado patungo sa San Marcelino St.
Agad nagtungo sa lugar ang ilang mataas na opisyal ng MPD, sa pangunguna nina DID chief Police Supt. Antonietto Mendoza at MPD-Station 5 commander Police Supt. Emerey Abating, nang mabalitaan ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)