Matapos magwagi ng gold medal sa Southeast Asian Shooting Association (SEASA) Championship, target naman ngayon ni Amparo Teresa Acuña na magwagi ng gold medal sa darating na Southeast Asian Games.

Naitala ng 19-anyos na si Acuña ang pinakamatagumpay niyang international stint matapos magwagi ng isang gold medal at dalawang bronze sa katatapos na SEASA sa Malaysia na nilahukan ng mga Olympians at ng iba pang mga shooter na nakatakda ring sumabak sa darating na Biennil Games sa Agosto.

Tumapos si Acuña na pangatlo sa 50-meter 3 Position Rifle event kung saan niya itinala ang bagong SEASA record na 581 puntos makaraang manguna sa Qualification Round.

Nagtala ang dating Asian Youth games veteran ng 32 bulls eye upang makatipon ng 581 puntos na bumasag din sa kanyang sariling Philippine record na 578.

May nandura? Komosyon sa pagitan ng UP, La Salle coaches, lumala!

Naungusan niya ang dating record holder na si Olympian Nur Suryani ng Malaysia na nakapagtala rin ng kabuuang 581 puntos, ngunit mayroon lamang 28 bullseye sa eliminations.

Nagwagi naman si Acuña ng gold medal matapos magtala ng kanyang personal best na 591 puntos sa 50-meter Prone, bago sorpresang naka-bronze sa 10-Meter Air Rifle.

Sa panayam sa kanya ng DZSR Sports Radio, sinabi ni Acuña na ang nasabing tagumpay ay nagpaataas ng kanyang morale upang pumuntirya ng gold medal sa ikalawang beses na pagsabak sa SEA Games. - Marivic Awitan