Patay ang tricycle driver habang sugatan ang apat na iba pa nang magsalpukan ang tatlong sasakyan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Roy Gomez, 29, na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo makaraang madamay sa banggaan ng isang sports utility vehicle (SUV) at isa pang pampasaherong tricycle.
Agad namang isinugod ang apat na sugatan, pawang hindi pa pinapangalanan, sa Chinese General Hospital at Jose Reyes Memorial Medical Center.
Kusa namang sumuko sa awtoridad si Leon Suanco, 75, driver ng SUV (WLH-905) at inaming siya ang nakabangga sa dalawang tricycle matapos umanong mawalan ng preno ang kanyang sasakyan.
Sa imbestigasyon ng Manila Traffic Bureau, pasado 9:00 ng gabi nangyari ang banggaan sa Solis Street, kanto ng Jose Abad Santos sa Tondo.
Bigla umanong nawalan ng preno ang SUV ni Suanco dahilan upang mabangga niya ang tricycle na nakahinto sa intersection.
Sa lakas ng pagkakasalpok ay nadamay din ang isa pang tricycle na minamaneho naman ni Gomez.
Kasalukuyang nakakulong at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, multiple injuries at damage to property si Suanco. (MARY ANN SANTIAGO)