Hindi nakaligtas sa galamay ng awtoridad ang dalawa umanong illegal recruiter, sa ikinasang operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Vito Cruz Street, Malate, Maynila nitong Biyernes.

Ayon kay Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP, naging matagumpay ang entrapment operation ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Anti-Transnational Crime Unit (ATCU) matapos maaresto ang mga suspek sa loob ng isang fastfood chain sa Vito Cruz, bandang 7:00 ng umaga.

Kinilala ang mga suspek na sina Luz Barroga at Gloria Sanchez, kapwa taga-Pangasinan, na nakuhanan ng boodle money na kanila umanong hiningi sa walo nilang biktima.

Inireklamo sina Barroga at Sanchez nang mabisto sila ng kanilang mga biktima na hindi sila lisensiyado na mag-recruit ng mga tao para magtrabaho sa ibang bansa.

National

Atty. Medialdea kay Sen. Robin: 'You were there when I needed it most!'

Ayon sa mga biktima, pawang hindi pinangalanan, pinangakuan sila ng mga suspek, kapalit ng P50,000 (kada biktima), na makapagtatrabaho bilang dairy farm workers sa Japan.

Kasalukuyang nahaharap sina Barroga at Sanchez sa kasong large scale illegal recruitment at large scale estafa.

(Fer Taboy)