Hindi tumugma sa isang electrician ang kasabihan na, “kung sa patalim nabubuhay, sa patalim din mamamatay,” dahil sa pananaksak ito nasawi at hindi sa kuryente matapos saksakin ng kanyang kalugar sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Nalagutan ng hininga habang ginagamot sa Caloocan City Medical Center si Dennie Ventura, 47, ng No. 98 Lupa, Gozon Compound, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod.
Tumakas naman ang suspek na kinilala sa alyas na “Cucak,” matapos ang pananaksak.
Sa report ni PO1 Philip Apostol, bandang 9:45 ng gabi, nakikipag-inuman si Ventura sa kanyang mga kaibigan sa Gozon Compound at dumaan ang suspek.
“Ayon sa witness, tinanong pa raw ng victim ‘yung suspect kung sumama ito sa welga noong May 1, tapos sumagot ang huli na hindi sira ang ulo niya na tulad ng una,” ayon kay Apostol.
Hindi umano ito pinansin ni Ventura at hinayaan na lang na umalis si Cucak, ngunit makalipas ang ilang sandali ay bumalik ang huli na may bitbit na patalim at pinagsasaksak sa dibdib ang biktima.
Patuloy na inaalam ang motibo sa insidente. (Orly L. Barcala)