ESTORIL, Portugal (AP) — Dinaig ni top-seeded Pablo Carreno Busta ng Spain si Gilles Muller ng Luxembourg 6-2, 7-6 (5) nitong Linggo (Lunes sa Manila) para makopo ang korona sa Estoril Open.
Nadomina ni Carreno Busta, nabigo sa nakalipas na final match kontra sa kababayang si Nicolas Almagro, ang krusyal na tiebreaker para makopo ang ikatlong career title.
Ito ang ikalawang championship match ng 21st-ranked na si Carreno Busta ngayong season. Nabigo siya kay Dominic Thiem sa Rio de Janeiro. Nakamit niya ang dalawang titulo sa nakalipas na taon sa Moscow at Winston-Salem.
Kahanga-hanga ang kampanya ng 25-anyos na si Carreno Busta na hindi natalo ng set sa kabuuan ng torneo, kabilang ang panalo kontra Almagro, fifth-seeded Tommy Robredo at fourth-seeded David Ferrer.
Target ng 33-anyos na si Muller, seeded third, na makopo ang ikalawang career title. Sasabak siya sa Madrid Open kasama ni Carreno Busta na nagsimula na nitong Lunes.