NAGSANIB-PUWERSA ang China at ang Pilipinas laban sa ilegal na sugal, na bahagi ng pinalawak na kampanya ng Beijing upang tuldukan ang ilegal na pagpapaikot ng pera, at ng pangako ng Pilipinas na parurusahan ang mga gahamang operator mula sa sumisiglang gaming industry ng bansa.

Ginawa ang magkaugnay na pagkilos sa harap ng bumubuting ugnayan sa pagitan nina Chinese President Xi Jinping at ni Pangulong Rodrigo Duterte, na ang pagsugpo sa ilegal na sugal ang ikatlong pinagtuunan ng pansin ng kanyang gobyerno kasunod ng ilegal na droga at kurapsiyon sa pamahalaan.

Sa kanilang unang pinagsanib na kampanya, sinalakay ng mga awtoridad ng Pilipinas at China ang isang transnational cyber gambling operation nitong Abril, ipinasara ang apat na ilegal na website, inaresto ang 99 na katao, at ipina-freeze ang mahigit sa 1,000 bank account, ayon sa Public Security Bureau ng China.

Sinabi sa Reuters ni Martini Cruz, hepe ng crime division ng National Bureau of Investigation ng Pilipinas, na naghahanda na ang mga awtoridad sa pagsasagawa ng mas marami pang pagsalakay ngayong Mayo, puntirya ang mga ilegal na tayaan at online fraud na nagsimula sa Pilipinas at target ang mga nagsusugal na Chinese.

Sa ngayon, hindi kasama sa mga planong sugpuin ang proxy betting, na umano’y pinahihintulutan sa mga lisensiyadong casino sa Pilipinas at nakalulula ang kinikita. Sa kabuuan, ang mga casino sa bansa ay kumita ng aabot sa P149.5 bilyon noong nakaraang taon.

Sa nasabing tayaan, isang nagsusugal sa labas ng casino ang mag-uutos sa isang agent sa pamamagitan ng live stream o online platform, kaya maaaring tumaya ang kahit sino nang hindi nabubulgar ang pagkatao, kaya naman malayang nakalulusot sa atensiyon ng awtoridad sa sarili nilang bansa ang mga player.

Ayon sa mga ehekutibo sa industriya, ang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na sugal ay maaaring magkaroon ng epekto sa proxy business sa Pilipinas, partikular kung patuloy itong mamamayagpag ilang buwan bago ang opisyal na pagbubukas ng bagong $2.4-billion casino ng Japanese slot machine tycoon na si Kazuo Okada sa Maynila sa Hulyo.

Bagamat ipinagbabawal ang proxy gambling sa Singapore at sa Macau, ang pinakamalaking gambling hub sa mundo, pasekreto itong ginagawa sa Pilipinas.

Hindi naman pamilyar sa proxy betting si Philippine Amusement and Gaming Corporation Chief Andrea Domingo.

“It is allowed in the casinos. I am not very conversant about it,” sabi ni Domingo.

Alinsunod sa batas sa China, pinagbabawalan ang mamamayan nito na magsugal online at sa bahay. Simula noong Marso, ilang beses na inihayag ng Public Security Bureau na nakasasama ang transnational cyber gambling sa seguridad ng ekonomiya, imahe, at katatagan ng China. (Reuters)