July 27, 2026

Home BALITA Politics

VP Sara, dapat manood ng SONA para malaman paano tutulong sa bansa—Usec. Claire

VP Sara, dapat manood ng SONA para malaman paano tutulong sa bansa—Usec. Claire
Photo courtesy: via MB

May payo si Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro para kay Vice President Sara Duterte hinggil sa gaganaping ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nitong Lunes, Hulyo 27, 2026.

Sa panayam ng media kay Castro, iginiit niyang dapat lang na manood ng SONA ang Pangalawang Pangulo upang malaman daw niya ang dapat na itulong sa mga problema ng bansa.

“Sana tumutok siya [VP Sara] para alamin n'ya kung paano ba siya makakatulong sa mga isyu na ang Pangulo lang ang pumapasan ngayon kasi lagi po siyang wala sa bansa,” ani Castro.

Matatandaang makailang ulit nang nagbigay ng mga tirada si VP Sara laban sa administrasyon ni PBBM hinggil sa kawalang aksyon daw nito sa mahahalagang isyu ng bansa—bagay na mariing pinapalagan ng Palasyo.

Noong Mayo, naging kontrobersyal ang pahayag ni Usec. Castro laban kay VP Sara matapos niyang iginiit na nagmumukha na raw “bobo” ang Bise Presidente dahil sa mga pahayag na binibitawan niya laban sa Pangulo.

Politics

Masusing pag-aaral, konsultasyon, panawagan ni Rep. Diokno sa Pax Silica

"'Yan kasi ang mahirap sa isang bise presidente na hindi marunong gumamit ng computer so most probably hindi niya nareresearch lahat ang nangyayari, ibinubulong lang sa kaniya hindi kumpleto or gusto niya talagang i-twist 'yong facts at magmukha na lang siyang bobo," ani Castro noon sa kaniyang opisyal na YouTube Channel.

KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro kay VP Sara: 'Huwag mo naman ipangalandakan na bob* ka'

Samantala, ito na ang ikatlong pagkakataon na hindi sisipot si VP Sara sa SONA ni PBBM, magmula nang nagkaroon ng lamat ang kanilang samahan. 

Huling dumalo si VP Sara sa SONA ni PBBM noon pang 2023 at nagsimula ang hindi niya pagsipot dito noong 2024.