Rerebisahin ng Land Transportation Office (LTO) ang examination para sa mga bagong driver upang mabigyan ang mga ito ng lisensiyang para lamang sa sasakyang imamaneho nito.
Sinabi ni LTO Chief Edgar Galvante na plano ng ahensiya na baguhin ang mga questionnaire para sa driver’s license exam, depende sa uri at mga limitasyon ng lisensiyang nais ng mga bagong driver.
“We will see if they are really capable of driving safely, that’s why the evaluation of drivers will depend on type of vehicle they will drive,” sinabi ni Galvante sa mga mamamahayag pagkatapos ng konsultasyon ng ahensiya sa mga vehicle manufacturer sa LTO office sa Quezon City nitong Biyernes ng hapon.
Sa babaguhing pagsusulit, ipadedeklara muna sa mga bagong aplikante ang sasakyang imamaneho nito bago sumailalim sa exam. Ang questionnaires ay batay sa uri ng sasakyang gagamitin ng aplikante, ayon kay Galvante.
“We wanted to focus the driver’s qualification to the type of vehicle he would drive...We seek to particularize the exam to match his capability with the type of vehicle he wants to drive,” aniya.
Sinabi ni Galvante na ito ay upang hindi abusuhin ng mga driver ang kanilang lisensiya at gamitin lamang ang sasakyang naangkop sa kanilang kakayahan. “Not because you were granted a license means you can drive all types of vehicle,” aniya.
Maglalabas pa lang ng direktiba ang LTO kaugnay ng pagpapatupad ng modified driver’s license exam.
Bagamat aminadong hindi maaaring bantayan ang lahat ng driver, nagbabala si Galvante na ang mga mahuhuling lumalabag sa kanilang lisensiya ay pagmumultahin. (Vanne Elaine P. Terrazola)