CEBU CITY – Naitala nina Asian Youth Chess Championships 2016 gold medalists WFM AllanneyJia Doroy at Kylen Joy Mordido ang five-game winning streak para manguna sa ginaganap na National Age Group Chess Championships sa Robinson’s Galleria dito.
Tangan ni Doroy, pambato ng Surigao del Sur at nakabase na ngayon sa Manila, ang 1.5 puntos na bentahe sa mga karibal sa U18 girls bracket, habang katabla ni Mordido ng Dasmarinas, Cavite si Quennie May Samarita ng Gen. Trias,Cavite.
Nakabuntot sa kanila sina Asean Age Group Chess Championships winner Daniel Quizon (U14 boys) ng Dasmarinas, Cavite at Michael Concio, Jr. (U12 boys) ng Los Banos, Laguna.
Nasopresa naman ang mga karibal ni Antonella Berthe Racasa, anak ng pamosong memory player na si Robert Racasa, ang mga karibal sa U10 sa torneo na itinataguyod ng Province of Cebu at Marty Pimentel at suportado ng Philippine Sports Commission.
Ginapi ni Racasa, isang taon pa lamang sumasabk sa kompetitibong torneo, si Asian Youth gold medalist Darren de la Cruz para sa 5-0 karta.
Ang iba pang nakapuntos ng lima sa girls division ay sina Regina Catherine Quinanola (U14) ng Malabuyok, Cebu; Mecel Angela Gadut ng Candon City at Jirah Floravie Cutiyog ng Gen.Trias, Cavite.
Humakot din ng limang puntos sa U8 boys ang magkapatid na Rusian at King Lanz Pamplona ng Passi, Iloilo, Al-Basher Buto ng Cainta,Rizal at Art Noblijas ng Zamboanga .
Nakiisa din sina Jerick Marino (U16 boys) at Cedric KahlelAbris (U10) sa torneo na suportado rin ng DepEd, Cebu City at Province of Cebu Sports Commissions.