GINAPI ng season host University of Santo Tomas ang Ateneo de Manila, 5-4, sa pangunguna ni Charisa Lemoran upang umusad sa finals ng UAAP Season 79 women’s football tournament finals nkahapon sa Rizal Memorial Football Stadium.
Naging mahigpit ang laban ng dalawang koponan mula umpisa hanggang matapos, ngunit nakauna ang Tigresses nang makaiskor ng goal si Chriselle Cleofe pitong minuto ang nakalipas na dinagdagan pa ni Mary Joy Indac sa ika-20 minuto.
Nakaiskor sa unang pagkakataon ang Lady Eagles sa pamamagitan ni Tiffany Sy sa ika-31 minuto.
Sa hindi inaasahang pangyayari, ikinagalit ni UST head coach Prescila Rubio ang aniya’y kapabayaan ng goalkeeper nilang Nicole Reyes nang makaiskor ang Ateneo kaya’t nagdesisyon itong palaruin ang kanyang koponan na walang goal keeper.
Sinamantala naman ang pagkakataon ng Ateneo at itinabla ang laro sa pamamagitan ulit ni Sy sa ika-35 minuto.
Nakalamang pa ang Lady Eagles matapos ang goal ni skipper Cam Rodriguez sa ika-41 minuto para sa 3-2 bentahe sa pagtatapos ng first half.
Agad namang bumawi ang Tigresses sa second half, nang ipasok ni Lemoran ang unang goal para itabla ang laban sa 3-3 hanggang sa bawiin ni Hazel Lustan ang kalamangan para sa UST sa sumunod na goal sa ika-67.
Dinoble pa ni Lemoran ang bentahe ng Tigresses’ sa ika-79 para masiguro ang panalo.
“Masaya dahil lahat ng hirap namin nag-pay off naman, tsaka nakita ko talagang ang laki ng improvement ng team,” pahayag ni Rubio. “Regardless kung aabot kami sa finals o hindi, ang kailangan lang namin ay mag-improve yung team, bonus lang talaga na umabot kami ng finals.” (Marivic Awitan)