Bumuwelta si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na tila puro na lang daw kasinungalingan ang lumalabas sa mga pahayag ng nagpakilalang mga dating miyembro ng Philippine Marines.
Isa si Ridon sa mga pinangalanan ng 18 ex-Marines sa kanilang joint affidavit na nadalahan umano nila ng male-maletang naglalaman ng milyon-milyon salapi.
Bukod kay Ridon, nadawit din sa affidavit ang mga kasakulukuyang mambabatas sa Kamara na sina Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima, Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, Manila 6th District Rep. Benny Abante, Lanao Del Sur 1st District Rep. Zia Adiong, Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez, Manila 3rd District Rep. Joel Chua, at Iloilo 1st District Rep. at House Deputy Speaker Janette Garin.
Idagdag pa ang dating mga naging mambabatas na sina ACT Teachers party-list Rep. France Castro, Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, Surigao Del Norte 2nd District Rep. Ace Barbers, Lone District of Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez, Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, at Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo, gayundin si Fr. Flavie Villanueva.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang mga dati, kasalukuyang kongresista, napadalhan umano ng male-maletang pera!
Sa naging pahayag ni Ridon matapos ang naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, Hunyo 4, 2026, sinabi niyang inakusahan na raw ng 18 ex-Marines na may maleta at bayaran ang mga katulad nilang mambabatas.
“Lahat na lang may maleta. Lahat na lang bayaran. E ‘di kayo na!” pagsisimula niya.
Diin ni Ridon, tila kasinungalingan na lang daw ang lahat ng lumalabas sa mga miyembro ng 18 ex-Marines.
“Pangalawa, lahat na lang po ng sinasabi ng 18 Marines na parang kasinungalingan na lang,” saad niya.
Ani Ridon, hindi raw totoo ang inilahad ng isa sa mga miyembro ng 18 ex-marines na si Jowly Cadiao dahil wala raw siyang natatanggap na maleta kahit kailan.
“Nililinaw ko na kasinungalingan po ‘yong sinasabi ni Jowly Cadiao. Kahit anong panahon sa kahit anomang lugar, wala pong dineliver sa akin na kahit ano pong maleta,” pagtatapos niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Patawarin ako ng Allah!' Sen. Robin, hugas-kamay sa gitgitan nila ni Remulla