Nilinaw sa publiko ni Sen. Robin Padilla na hindi raw totoo ang mga bintang na siya ang nagpasimula ng gulo sa lobby ng Senado nang magkagitgitan sila ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla.
Lumutang kasi sa social media nitong Huwebes, Hunyo 4, 2026, ang tila naging pagtutulakan nina Padilla at Remulla sa lobby ng Senado nang pinilit ni Sen. Pia Cayetano na papasukin sa Senado ang iba pang mga miyembro ng 18 ex-marines para dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Pia, hinarang umano ni SILG Remulla papasok ng Senado
Sa naging pahayag ni Padilla sa kaniyang Facebook post nito ring Huwebes, mariin niyang sinabing mataas daw ang respeto niya kay Remulla at lagi pa nga raw siyang bumabati sa huli.
“Mataas ang respeto ko po sa kalihim ng DILG, sir Jonvic Remulla. Ako po ang palagiang unang bumabati sa kanya at nagpupugay,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Saksi po ako sa kaniyang mga magagandang proyektong medikal para sa lalawigan ng Cavite noong siya po ang Gobernador kayat saludo ako sa taong yan.”
Ani Padilla, wala raw siyang intensyon na saklawan ang kapangyarihan ng sinoman kaya hindi raw totoo ang mga bintang na siya ang nagpasimula ng gulo sa Senado.
“Bilang isang [Muslim] na nagpupumilit na magpaka islam, [w]ala po ako intensyon na saklawan ang kapangyarihan ng kahit na sino,” aniya.
Diin pa niya, “Hindi ko po magagawa ang bintang na ako po ay nag umpisa ng [kaguluhan] sa lobby ng senado.”
Pagpapatuloy ni Padilla, mapapatunayan daw ng mga CCTV footage sa Senado at mga videong lumitaw sa social media na siya ang nangungunang magpakalma sa nagaganap na salubungan sa lobby ng Senado.
“Patawarin po ako ng Allah. Allah hu akbar,” ‘ika niya, “Ang mga cctv at mga video ng media ang magpapatunay na ako ang nagtatawag ng pagkalma sa oras pa lamang ng salubungan.”
“La hawla wala quwata illah billah!”
Bago ang pahayag na ito ni Padilla, matatandaang nauna nang linawin ni Remulla sa publiko na hindi raw niya hinarangan sina Sen. Pia dahil mag-isa at pauwi na raw siya nang maganap ang naturang gitgitan.
“I was walking out when I was pushed aside. I was alone. I was about to go home,” paglilinaw ni Remulla.
KAUGNAY NA BALITA: Tito Sen, nahatiran umano ng maleta sa Baclaran!—ex-soldier
KAUGNAY NA BALITA: Isang senador sangkot sa human trafficking, namimili ng babae—Atty. Baligod