PINAIGTING pa ng Facebook ang mga pagsisikap nito upang maiwasang mapaskil sa social networking site ang mga hindi akma at kadalasang marahas na materyales—kabilang ang naging kontrobersiyal na mga video ng pamamaslang at pagpapatiwakal, hate speech, at propaganda ng mga terorista.
Nitong Miyerkules, inihayag ng pinakamalaking social network sa mundo na plano nitong mag-hire ng karagdagang 3,000 tauhan upang magsuri ng mga video at iba pang post matapos na batikusin sa kabiguang kaagad na matugunan ang mga pagpatay na itinatampok sa serbisyo nito.
Ang mga idadagdag na kawani sa susunod na taon ay bukod pa sa 4,500 inatasan ng Facebook upang tukuyin ang mga kriminal at iba pang kuwestiyonableng materials para alisin sa site. Sinabi ni Facebook CEO Mark Zuckerberg na ang kumpanya “is working to make these videos easier to report so we can take the right action sooner — whether that’s responding quickly when someone needs help or taking a post down.”
May 18,770 empleyado batay sa datos sa huling bahagi ng Marso 2017, hindi nilinaw ng Facebook kung ang mga kukuning bagong empleyado ay magiging contractual o mga full-time worker. Sinabi ni David Fischer, pinuno ng advertising business ng Facebook, sa isang panayam na ang pagtukoy at pagtatanggal sa hate speech at mararahas na materyales ay isang “ongoing priority” ng kumpanya, at ang community operations teams ay isang “continued investment.”
Ang mga video at post na nagsusulong ng karahasan ay labag sa mga panuntunan ng Facebook, kaya naman inulan ito ng batikos sa mabagal na pagtugon sa mga nasabing materyales sa site, kabilang ang isang insidente ng pagpatay sa Cleveland at ang live na pamamaslang sa isang sanggol sa Thailand. Ang nasabing video sa Thailand ay 24 na oras na pinagpiyestahan sa Facebook bago ito tuluyang tinanggal.
Sa maraming insidente, ang mga materyales na tulad nito ay sinusuri sa posibilidad na alisin kung may magrereklamong user. Pinahihintulutan ang mga balita at post na kumokondena sa karahasan. Kaya mahalagang may balanse sa usapin ang kumpanya. Tumatanggi ang Facebook na umaktong censor, dahil ang mga video ng karahasan, gaya ng pagdodokumento sa karahasan ng mga pulis o ang pagdedetalye sa lagim ng digmaan, ay maaaring may mahalagang silbi.
Magiging napakahirap ng pagsusuri at pagsasala sa mga live video stream dahil hindi alam ng mga manonood kung ano ang mangyayari. Ang sorpresang ito ay bahagi ng panghimok ng serbisyo.
Bagamat nagiging paksa ng mga balita ang mga negatibong video, napakaliit na bahagi lang ito ng mga ipino-post ng mga user. Ang mabubuting post? Isang pamilyang nagdodokumento sa mga unang hakbang ng kanilang mga sanggol para mapanood ng malalayong kaanak, mga mamamahayag na aktuwal na ibinabahagi ang pinakamaiinit na balita, pagtatanghal para sa mga tagahanga, at pagkalap ng pera para sa kawanggawa.
“We don’t want to get rid of the positive aspects and benefits of live streaming,” sabi ni Benjamin Burroughs, propesor ng emerging media sa University of Nevada sa Las Vegas.
Batay sa quarterly results nitong Miyerkules, nadagdagan ng 49 na porsiyento ang kita ng Facebook; pumalo sa $8.03 billion mula sa $5.38 billion. Nasa $7.83 billion ang taya ng mga analyst.
May 1.94 na bilyong buwanan na aktibong user ang naitala sa Facebook sa pagtatapos ng Marso, tumaas ng 17 porsiyento mula sa nakalipas na taon. Nasa 1.28 bilyon naman ang arawang aktibong user nitong Marso. (Associated Press)