August 03, 2026

Home BALITA National

PNP, minamatahang i-ban mga bayolenteng pelikula sa TV?

PNP, minamatahang i-ban mga bayolenteng pelikula sa TV?
Photo courtesy: PNP

Nakikita umano ng Philippine National Police (PNP) bilang rekomendasyon ang pagbabawal ng pagpapalabas ng mararahas na pelikula sa telebisyon upang mabawasan ang mga krimeng nagagawa ng kabataan.

Sumentro kasi ang naging press conference ng PNP sa pangunguna ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., nitong Lunes, Agosto 3, 2026, sa naging pananaksak ng isang 14-anyos na mag-aaral sa Las Piñas National High School sa kaniyang kaklase noong Biyernes, Hulyo 31.

Sa naging pahayag ni Nartatez, sinabi niyang hindi lang naman daw ang mga eskwelahan ang nagiging lugar na pinaggaganapan ng pagkasangkot ng kabataan sa paggawa ng krimen.

“Hindi lang naman schools ang ating venue for such incident. Marami pa. Especially, including children in conflict with the law. Now, it’s being sensationalized as a child, or a minor, and at school,” pagsisimula niya.

Ani Nartatez, nagsasagawa na raw sila ng mga plano upang maayos at makatulong sa sitwasyong kinakaharap ng ilang mga kabataan sa bansa.

National

'Maliit lang ang maookupa!' Pax Silica, 'di raw makaaapekto sa mga magsasaka—Palasyo

“We have our coordination, we have our plan. We are hopeful that maayos natin, makakatulong tayo, at gaganda ‘yong situation especially with minors or children,” aniya.

Paliwanag ni Nartatez, maaari din daw kasing makaapekto ang mga komunidad at social media sa kabataan dahilan para makagawa ang mga ito ng mararahas at mahalay na bagay.

“Hindi lang ang school ang meron problema, but of course, saan ba nanggaling ‘yong bata? What is the environment he is or they are into? Like for example, some are heavily affected by social media with certain violence, sexual violence, etc. Nakukuha natin ‘yon, e,” depensa niya.

Dagdag pa niya, “Like anong environment sa family, sa community, sa social media, etc. Meron tayong kaukulang coordination with a certain agencies on how to, at least, masolusyonan natin ‘yon.”

Pagpapatuloy ni Nartatez, posible rin daw na mairekomenda nila ang pagbabawal sa pagpapalabas ng mga marahas o bayolenteng pelikula sa telebisyon upang hindi ito makaapekto sa mga bata.

“Like for example, maybe we can recommend for banning ‘yong mga pelikula o palabas sa TV masyadong bayolente,” ‘ika niya.

“Of course, meron din tayong mga social media apps that we can have such recommendations,” pagtatapos pa niya.

Sa kabila nito, matatandaang alinsunod sa Presidential Decree No. 1986, ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang opisyal na ahensyang nagsisiyasat at namamahala sa mga lumalabas at napapanood sa telebisyon sa Pilipinas upang maprotektahan ang kabataan.

KAUGNAY NA BALITA: Krimen sa bansa, 'sensational' lang sa social media, pero patuloy na bumababa—PNP

KAUGNAY NA BALITA: Mga krimen, naha-highlight dahil nababalita sa media—Palasyo

Inirerekomendang balita