Nanindigan si Philippine National Police (PNP) Chief Jose Melencio Nartatez Jr., sa patuloy na pagbaba umano ng crime rate sa bansa, sa kabila ng mga krimeng pinalalala lamang daw ng social media.
Sa kaniyang press briefing nitong Lunes, Agosto 3, 2026, iginiit niyang nabibigyang-pansin ang mga krimen dahil sa patuloy na pag-sensationalize umano ng social media.
“It so happens in these cases that happened in the past, for example in recent days for example, shooting incidents. Na-ha-highlight eh, kasi nga nagiging sensational,” anang PNP Chief.
Sa kabila nito, nilinaw din ni Nartatez na mas gusto rin nilang napag-uusapan ang mga krimen dahil hamon umano ito para sa pag-aksyon ng hanay ng kapulisan.
“Mas gusto natin sa Philippine National Police na ma-sensationalize or mailabas yung mga insidente na 'to, lalo na't galing ito sa social media, galing sa PNP press, presscon, at naibabalita agad sa amin. Such that, that is the challenge for every police officer to have investigative solution,” anang PNP Chief.
Matatandaang noong Hulyo nang igiit din ng Palasyo na magkaiba ang nakikita ng data para sa bilang ng kriminalidad sa bansa at mga krimeng nababasa lamang sa media.
“‘Yon po ba ang pananaw ng ibang tao? Siguro kung ‘yan ang pananaw ng ibang tao, iba naman po ang nakikita natin na data,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro
Aniya, “May nakikita po tayo, yes, dahil naibabalita… pero sa pangkalahatan, sa buong Pilipinas, may mga lugar po tayo na nai-report din po ng [Philippine National Police] PNP na wala pong nangyayaring krimen.”
KAUGNAY NA BALITA: Mga krimen, naha-highlight dahil nababalita sa media—Palasyo