Inilahad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na nabibigyang-diin ang mga krimeng nagaganap sa bansa dahil napapaulat daw ang mga ito sa balita.
Natanong kasi ang si Usec. Castro hinggil sa umano’y pagtingin ng mga Pilipino sa kasalukuyang kalagayan ng bansa—na “less safe” daw sa ngayon ang bansa kung ikukumpara noon.
Sa press briefing na isinagawa ng PCO nitong Lunes, Hulyo 20, iginiit niya ring hindi puwedeng ipagpunyagi ang mga nasabing krimen.
“‘Yon po ba ang pananaw ng ibang tao? Siguro kung ‘yan ang pananaw ng ibang tao, iba naman po ang nakikita natin na data,” saad ni Usec. Castro.
Aniya, “May nakikita po tayo, yes, dahil naibabalita… pero sa pangkalahatan, sa buong Pilipinas, may mga lugar po tayo na nai-report din po ng [Philippine National Police] PNP na wala pong nangyayaring krimen.”
“Nagkakaroon lang po kasi at naha-highlight dahil nakikita po natin sa balita. Pero again, hindi po natin ito maaaring ipagpunyagi dahil hangga’t maaari ay zero crime ang Pilipinas,” dagdag pa niya. “Pero that’s not the reality.”
Giit ng press officer, kumikilos naman ang PNP upang matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad sa Pilipinas.
“Ang PNP pa rin po ay gumagawa lahat ng aksyon para matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan para sa proteksyon—at makikita naman po nila at nai-re-report na kung may nagawang krimen ay napakabilis din po nilang rumesponde,” anang press officer.
Sa parehong press briefing, ipinagdiinan ng Palasyo na bumaba ang crime rate sa bansa, kasunod ang ulat na ibinaba ng PNP.
Batay sa datos ng ahensya, bumulusok ng 20.6% ang crime rate sa Pilipinas—tatlong buwan matapos ikasa ang “Safer Cities Initiative”—sa pangunguna ng Department of Interior and Local Government (DILG).
MAKI-BALITA: Crime rate sa Pilipinas, bumaba!—Malacañang-Balita
Photo courtesy: RTVM/YT