Iginiit ng Palasyo na bumulusok ang crime rate sa bansa, sa kabila ng mga krimeng nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Pagdidiin ito sa datos na ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) kung saan inilahad nilang bumaba ng 20.6% ang crime rate sa bansa—tatlong buwan matapos ikasa ang Safer Cities Initiative na pinangunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG).
“Alam po natin, at kare-report lang din po ng PNP na ‘yong crime rate ay bumaba ng 20.6%; from 9,506 cases from January 6 to April 5 to 7,883 cases from April 6 to July 4,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO nitong Lunes, Hulyo 20.
Aniya, “So, ‘yong mga nababalitaan po natin dahil po sila ay mga nasa news of course makikita’t mababalitaan po natin…Hindi po ikinatutuwa ng pamahalaan na may nangyayaring ganitong mga krimen.”
Giit pa ng press officer, patuloy ang pagpapalawig at pagpapaigting ng ahensya sa mandato nitong tiyaking ligtas at protektado ang bawat komunidad sa bansa.
“Kaya pinapaigting pa po ng PNP ang kanilang mandato para sa mas protektadong komunidad—at mas mabilis na pagresponde sa mga nangyayaring ganitong kaganapan,” anang press officer.
Sa likod ng mga datos ng pagbaba ng crime rate sa Pilipinas, matatandaang naging maugong kamakailan ang mga ulat hinggil sa pagkamatay nina American marine biologist na si Kent Carpenter sa Negros Oriental, political vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, at motorcycle taxi rider na si Fabio Norberte, Jr. sa Caloocan City.
KAUGNAY NA BALITA: Pagiging political vlogger, tinitingnang anggulo sa niratrat na vlogger sa Caloocan!-Balita
KAUGNAY NA BALITA: DSWD, nagbigay ng ₱10k sa pamilya ng pinaslang na rider sa Caloocan City-Balita
Photo courtesy: RTVM/YT