July 18, 2026

Home BALITA

Pagiging political vlogger, tinitingnang anggulo sa niratrat na vlogger sa Caloocan!

Pagiging political vlogger, tinitingnang anggulo sa niratrat na vlogger sa Caloocan!
Photo courtesy: Unsplash

Patay ang isang political vlogger na si Mimaa Alicia, o Alicia Lipata sa totoong buhay, matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Caloocan City nitong Biyernes, Hulyo 17, 2026.

Dead on the spot si Alicia matapos tamaan ng bala sa ulo at katawan. Sugatan naman ang kanyang live-in partner na si alyas “Nelboy.”

Bandang 3:00 ng madaling-araw  nang iparada ng mag-live-in ang kanilang sasakyan sa harap ng inuupahang bahay. Bumaba si “Nelboy” upang buksan ang gate nang biglang sumulpot ang riding-in-tandem at pinagbabaril sila.

Ayon sa may-ari ng inuupahang bahay ng mga biktima, bagong lipat ang mag-partner sa lugar.

Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pamamaril. Kabilang dito ang posibilidad na may kaugnayan ito sa negosyong buy-and-sell ng mag-live-in o sa pagiging political vlogger ni Alicia.

NBI, may mga ipapa-subpoenang opisyal hinggil sa 2019 SEA Games!

Nakilala si Alicia sa kaniyang YouTube channel na "Mimaa Alicia Talks," kung saan regular siyang nagsasagawa ng livestream at pagbibigay ng komentaryo tungkol sa pulitika at mga napapanahong isyu sa bansa. Kilala rin siya bilang tagasuporta ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at minsang naging kaugnay ng United Vloggers and Influencers of the Philippines (UVIP).

Sa mga nakalipas na buwan, tampok sa kaniyang mga online broadcast ang mga puna laban kay Vice President Sara Duterte at sa ilang personalidad na iniuugnay sa kampo ng mga Duterte. Ayon sa kaniyang mga tagasuporta, nakatuon umano ang kaniyang huling livestream sa usapin ng impeachment proceedings laban sa pangalawang pangulo sa Senado.

Mabilis na kumalat sa social media ang balita ng kaniyang pagkamatay, kung saan naging usap-usapan ang hashtag na #JusticeForMimaaAlicia. Nanawagan ang ilang kapwa vloggers at mga tagasuporta ng administrasyon sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing at transparent na imbestigasyon, kabilang ang pagsusuri sa mga kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar upang matukoy ang mga responsable sa krimen.

Ayon sa mga awtoridad, hindi nila inaalis ang posibilidad na may kaugnayan umano sa pulitika ang pagpaslang sa biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga responsable at ang tunay na motibo sa pagpatay sa vlogger.