July 27, 2026

Home BALITA

DSWD, nagbigay ng ₱10k sa pamilya ng pinaslang na rider sa Caloocan City

DSWD, nagbigay ng ₱10k sa pamilya ng pinaslang na rider sa Caloocan City
Photo courtesy: DSWD, Contributed photo


Nagpaabot ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ₱10,000 cash aid para sa pamilyang naulila ng motorcycle taxi rider na pinaslang ng pasahero nito sa Brgy. 20, Caloocan City noong Hulyo 14.

Batay sa mga ulat, sinaksak ang rider na kinilalang si Fabio Norberte Jr., ng ice pick ng kaniyang pasahero, at ninakaw pa ang kaniyang motorsiklo.

Sa kasamaang palad, nasawi pa rin ang rider sa kabila ng pagtulong ng ilang saksi na dalhin siya sa ospital.

MAKI-BALITA: Solo parent na TNVS rider, pinatay at pinagnakawan pa ng motorsiklo ng pasahero!  

“Ang DSWD ay nakikiramay sa pamilya ng nasawing MC taxi rider na si Fabio Jr.,” saad ni DSWD spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao sa kaniyang pahayag noong Sabado, Hulyo 18.

Aniya, “Agad pong nagbahagi po ng paunang tulong ang DSWD Field Office (FO) National Capital Region (NCR) sa kanilang pamilya dahil napag-alaman po namin na sya ay isang solo parent at may anak na may autism spectrum disorder (ASD).”

Kabilang sa tulong na ibinahagi ng ahensya sa pamilya ay ang isang box ng family food pack (FFP)—na tinanggap ng kapatid na babae ng biktima.

Anang DSWD FO-NCR, ibabahagi rin ang isang funeral assistance sa pamamagitan ng isang guarantee letter (GL).

“The victim’s sister was also given the list of documentary requirements for the availment of medical assistance and other forms of financial assistance under the DSWD’s Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program,” ayon pa sa ahensya.

Dagdag pa ng spokesperson, handa ang kanilang ahensya na magpaabot pa ng tulong upang masaklolohan ang pamilyang naulila ng namatay na rider.

“Alinsunod sa utos ni Secretary Rex Gatchalian, nakahandang magbigay pa ang DSWD ng mga nararapat na interbensyon upang matulungan ang pamilya ng nasawing MC taxi rider hanggang sa malagpasan nila ang kanilang pagdadalamhati at matugunan ang kanilang agarang pangangailangan,” ani Dumlao.