IBINASURA ng Commission on Appointments (CA) ang nominasyon ni Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Dapat naman itong asahan. Sa unang pagdinig pa lamang ng confirmation ng kanyang appointment ay tumutol na si Finance Secretary Sonny Dominguez.

Saan ka naman nakakita na ang kasama mo sa Gabinete ay lantaran at tahasang sinasalungat ang pagkukumpirma ng kanyang appointment. Eh, napakalakas ni Dominguez kay Pangulong Digong dahil bukod sa sila ay magkakabata, magkaeskuwela pa.

Hindi ganito ang relasyon ni Lopez sa Pangulo. Katunayan nga, ilang beses nang binanatan ng Pangulo ang kanyang pamilya na isa raw ito sa mga oligarch na nagpapahirap sa bansa. Binatikos din niya ang ABS-CBN na pag-aari ng kanyang pamilya.

Nagbayad daw siya dito para ilabas ang kanyang political ads noong panahon ng halalan, ngunit hindi rin nito inilabas. Kaya, iyong sinabi ni Pangulong Digong na sinusuportahan niya si Lopez sa kanyang ginagawa bilang DENR secretary ay laway lang.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

“Huwag mong banggain ang mga businessman, para makumpirma ang iyong appointment,” paalaala ni Lopez. Pero sa ayaw mo man o sa gusto ay mababangga mo sila. Marami sa ating mambabatas ay negosyante. Ang iba nga ay nasa minahan ang kanilang pamilya. Kaya nga dismayado si Sen. J.V. Ejercito dahil sa kabila ng kanyang panawagan kay Cong. Ronaldo Zamora na mag-inhibit sa botohan, hindi nito ginawa. Gayong ang kanyang kapamilya at pamilya ng ibang pang miyembro ng CA ay nasa minahan. Iyong iba naman ay sinuportahan ng mga nagmimina ang kanilang kandidatura.

“Karapatan ng bawat Pilipino ang malinis na kapaligiran,” wika ni Lopez. Tell that to the marines. Walang pakialam ang mga mayaman at negosyante ng ating bansa ano man ang mangyari sa kanilang kapwa. Sarili lamang nila ang kanilang iniintindi.

Nasubok na kay Lopez ang pagkalimitado ng kayang ibigay ng mga mayaman at makapangyarihan para sa lipunan at mamamayan, ganito rin ang kapalarang naghihintay kay Mariano na, tulad ni Lopez, itinataguyod ang pangkalahatang interes lalo na ang kapakanan ng mga dukha. Kasi, sa pagganap niya sa kanyang tungkulin, nabangga na rin ni Mariano ang nabangga ni Lopez. Hindi gaano si Department of... Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo maliban lang sa mga pulitikong nag-aastang makahirap at nais tumulong gamit naman ang pondo at serbisyo ng DSWD.

Sa nangyaring ito kay Lopez at tiyak na magaganap din kay Mariano, at maaaring kay Taguiwalo, hindi maganda ito sa gobyerno ni Pangulong Digong. Halos ang mga ito lang ang nakadikit sa mga nasa laylayan ng lipunan na ang kanilang katapangan at katapatan sa pagtataguyod ng kanilang interes ay nasasaksihan at nadarama na nila. Kapag nawala na sila sa serbisyo, hindi ko alam kung paano patatakbuhin ni Pangulong Digong ang gobyernong para sa nakararaming mahirap at hindi lang para sa iilan na mayaman. (Ric Valmonte)