Isang 37-anyos na lalaki ang kakasuhan ng frustrated homicide matapos umanong saksakin ang kaniyang 28-anyos na pamangkin sa Sitio Lumayong, Barangay Kayaga, Kabacan, Cotabato nitong Sabado, Agosto 8, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Kabacan Municipal Police Station, nagsimula umano ang insidente matapos humingi ng ₱100 ang suspek sa ina ng biktima.
Nauwi umano sa pagtatalo ang usapan nang hindi maibigay ang hinihinging pera.
Namagitan ang biktima sa pagtatalo upang ipagtanggol ang kaniyang ina, ngunit dito umano siya sinaksak ng kaniyang tiyuhin.
Nagtamo ng sugat sa dibdib ang biktima at agad na isinugod sa ospital para malapatan ng lunas. Sa pinakahuling impormasyon, stable na umano ang kaniyang kondisyon at patuloy na nagpapagaling.
Samantala, mabilis na naaresto ng mga rumespondeng pulis, katuwang ang Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), ang suspek matapos ang insidente.
Nakuha rin sa pinangyarihan ang isang dobleng talim na kutsilyo na pinaniniwalaang ginamit sa pananaksak.
Inihahanda na ng Kabacan Municipal Police Station ang kasong frustrated homicide laban sa suspek.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang linawin ang buong pangyayari at matukoy kung may iba pang salik o motibong nauugnay sa pananaksak.