IDEDEPENSA ni IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas ng Pilipinas ang kanyang titulo kay mandatory challenger Teiru Kinoshita ng Japan sa undercard ng Manny Pacquiao-Jeff Horn WBO welterweight title bout sa Hulyo 2 sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia.
Ayon sa trainer at manedyer na si Joven Jimenez, inihayag na sa kanila ni international matchmaker Sean Gibbons ang posibilidad ng laban sa Australia at nakatala na ito saboxrec.com ng United Kingdom.
Mabigat kalaban si Kinoshita, nakalistang No. 3 contender ni Ancajas, na ang talo lamang ay 12-round unanimous decision kay dating IBF super flyweight champion at ngayon ay WBO bantamweight titlist Zolani Tete ng South Africa nang hamunin niya ito noong 2014 sa Hyogo, Japan.
May rekord ang 31-anyos na si Kinoshita na 25-1-1, may walong TKO at nagtala ng anim na sunod-sunod na panalo mula nang matalo kay Tete.
Ngunit, idinagdag ni Jimenez na hindi magpapatinag si Ancajas na kilala bilang technical boxer at nagpalasap ng unang pagkatalo kay Puerto Rican McJoe Arroyo nooong nakaraang taon sa Taguig City para matamo ang IBF title.
Naidepensa ni Ancajas ang kanyang titulo nitong Enero 29 sa Macau, China sa pagpapatigil sa 6th round kay Mexican Jose Alfredo Rodriguez at taglay ng 25-anyos na boksingero ni Pacquiao ang 26-1-1 karta. (Gilbert Espeña)